Wednesday, February 21, 2007

Today is International Mother Language Day

At isang maabong Miyerkules. Heto ang isang bagong tula ni Becky Añonuevo
tungkol at para sa ilang "academicians" sa isang unibersidad
na patuloy na nagmamarunong, eh hanggang ngayon nama'y nakakalimutan
pa ring mag-evolve. Isang meditasyon hango sa tulang "Postscript"
ni Rolando Tinio.


POSTSCRIPT SA POSTSCRIPT

Akala ko rin ay tumatagos ang iyong mga tula
Sa mga diyos-diyosang
Nakatuntong sa kalabaw,
Pero palibhasa’y latak ang utak,
O patak-patak,
Paano ka nga maiintindihan?
Ay, kung maririnig mo lang
Wala pa ring puknat ang tralala-twang
Hayun sa entablado, bigay-todo sa mikropono,
Kagagaling naman ng mga hinayupak
Na inglesero in fairness
wala nga lang laman
(ang high notes at falsetto)
sandamakmak

ang jargon lexicon kotong!

sa kaliwa’t kanang kumperensiya
national regional international

Cathedral for critical discourse analysis
Asian readers negotiating meaning and identity
Hyper-realities hegemony worksheets
Context, culture, and communication
(subtitle, fading effect: cheers for call centers)
Sheesh kulang na lang naka-tutu ang mga titulo, a-one!, a-two!
At nakaliyad patingkayad na pumasok
Sa background music na el bimbo

at kung puwede lang under the ocean
or over 47 Ursa Marjoris B
at ano pang planetoid Mathilde
hindi talaga makaliligtas sa mga organizers de-kalibre,
aba, karapat-dapat silang tawaging doktor at mga maestro,
kung hindi ba naman,
nahilo ang mga delegado sa pagparoo’t parito
sa world-class campus (na ang tanging sakit
ay obesity sa traffic, just try counting the cars),

at mayroon nga palang mapa!
E ba’t hindi ninyo naman binasa!

Di bale may meryenda, tatlong piranggot
Na tasty na may palamang ala-pimiento, o itlog.

Take note, limang libo, Rolando,

LIMANG LIBONG PISO (P5.000.00) ang ibinayad
Ng mga guro mula katipunan hanggang cotabato

At kailangan kaming magtaka,
magmakaawa sa balewalang inakala:

Ang tanging naiuwi ay sertipiko,
Pero paano kami mag-eecho?


Rebecca T. Añonuevo


Pebrero 18, 2007