Saturday, January 06, 2007

Pagluwas Book Launch

January 11, 2007 (Thursday)
7-9 PM
mag:net Katipunan

Plugging! Punta tayo't suportahan si Imo. Tutugtog ang Chupacabraz at Jesus Mafia. Paalis na rin si Imo papuntang Tate sa 13th so isang matinding Despedida na rin ito.

Tara, sakay na! Humaharurot na ang bus. Destinasyon: Kapahamakan.

Binubuo ang Pagluwas ng 52 kuwentong pira-piraso tungkol sa mga pasaherong sumakay ng bus biyaheng Maynila galing Baguio, at nauwi sa isang kakaibang sakuna. Walang nakaligtas at nasugatan. Wala, kahit mga katawan.

Inilalahad din ng Pagluwas ang mga pang-araw-araw na bagay (lipstick, robot na Voltes V, P2150, basketball jersey…) at mga karaniwang buhay bago umalagwa sa kawalan. Bahaging nobela at antolohiya ng mga sumambulat na naratibong nirerepaso ang kahulugan ng kasabihang "tayo ang mga bagay na naiwan" sa iba't ibang antas ng halaga at pagkapansamantala.

_________________________________________


Mala-nobela ang kalipunan ng maiigsing maikling kwento ni Quibilan. Pinamagatang Pagluwas, tila binubuksan nito ang isang puwerto at inihaharap s atin ang maraming daigdig na nagpapakilala ng maraming iba-ibang tauhan at maraming iba-ibang naratibo na ipinauubaya ng anyong dagli.

Kawiliwiling sundan at subaybayan ang mga naratibo, hindi lamang dahil magaan ang kolokyal na wikang ginamit ng awtor kundi dahil eksperto si Quibilan sa pagbitag sa ating kuryosidad bilang mambabasa. Hindi kwentistang nagsusubo sa mambabasa ng mga detalye – dinadala niya tayo sa "wakas" na hindi naman katapusan, at iniiwan tayong tumatahi sa mga retaso ng naratibo ayon sa talas at tabas ng ating sariling mapanlikhang imahinasyon.

Basahin ang Pagluwas at danasin ang maraming buhay na hatid ni Quibilan at angkinin ang mga ito.


BIENVENIDO LUMBERA
National Artist for Literature

________________________________

"Nitong nakaraang 15 taon, kapansin-pansin ang paglabas sa bansa ng mga kuwentong hindi tradisyunal o apropriasyon ng tendensiyang post-modern. Kasama sa tendensyang ito ang PAGLUWAS. Mahusay ang pagkakasulat nito sa pagtalakay sa mumunting problema na may mumunting "pain and agony" ng mumunting buhay. Malay si Quibilan sa halaga ng papel ng mambabasa, sa paghingi niya ng detalye para mapaikli ang kuwento.

"Mahalagang kontribusyon ang PAGLUWAS hindi lamang sa ebolusyon ng kuwento sa Filipino kundi mismo sa kontemporaryong panitikang Filipino."

JUN CRUZ REYES
Premyadong Kuwentista at Propesor ng Panitikan sa UP

_________________________________

"Confirms what we all know: that we are just detritus in a crash of spirits and bodies, trying to find meaning in the aftermath. The coolness of it is that it depicts our inexorable spin to destruction with such poetry."


KARL R. De MESA
Author: Damaged People, Tales of the Gothic-Punk